“Ang unang pangkat ng mga taong dumating sa ating bansa ay ang mga ita, sila ay ating mga ninuno”
Mataman kong pinapakinggan ang mga salitang ito na lumalabas sa bibig ng aking guro habang ipinapaliwanag niya ang pinagmulan ng lahing dakila, ng lahing marangal, ng lahing Pilipino.
“Sila ay maitim, pandak, sarat ang ilong at kulot ang buhok,”
Tinignan ko ang aking kulay, kinapa ko ang aking ilong, hinawakan ko ang aking buhok. Ako ba ang tinutukoy ng aking guro? Napayuko ako kasabay ng pagbaling ng tingin sa akin ng aking mga kaklase. At kahit hindi ko sila nakikita ay para ko na ring nakikita ang kanilang mga nakangising labi, yung iba nga nakaismid habang pinipigil ang kanilang tawa. Pakiramdam ko`y para akong nauupos na kandila.
Oo, isa akong ita. Kabilang ako sa grupong ito,subalit kahit gaano ko man pilitin ang aking sariling mag-isip ay hindi ko mahanapan ng matinong kasagutan kung bakit kung ituring ang mga katulad ko ay hindi kabilang sa lahing Pilipino, at kung minsan nama‘y hindi kami itinuturing na tao.
Minsan sa isang linggo kami dati bumababa sa patag kung araw ng palengke para magtinda. Isinasama ako ni inang sa pagtitinda ng mga gulay, prutas at uling na pinaghihirapan nila ni amang.
Tuwang-tuwa ako dati sapagkat makikita ko ang patag, ang sentro ng tinatawag nilang kabihasnan.
Subalit hindi ko maintindihan kung bakit iba kung iba ang turing sa amin ng mga tao sa patag. Para kaming mga iba sa kanila. Hinding-hindi ko makalimutan minsang bulyawan si inang ng isang bumibili ng paninda namin dahil ayaw ibigay ni inang sa presyong gusto niya ang gulay na tinda, paano ba naman e luging-lugi na kami. Sobrang barat kung tumawad. Ang ganda pa mandin ng ale, pusturang-postura at halatang kagagaling ng simbahan, may belo pa kasi at rosaryong nakasabit sa kanyang leeg. Napakunot noo ako.
Maraming tanong ang naglalaro sa isipan ko, maraming bakit ang gusto kong masagot, kaya nga natuwa ako ng sabihin ni amang na doon na kami sa patag titira. Doon na rin daw ako mag-aaral.
“Naku, huwag ka ng umalis dito, malupit ang mga tao sa patag, lalaitin ka lang nila, pandidirihan”.
Ito ang mga salita ni Itong, kalaro ko nang sabihin ko sa kanyang bababa na kami. Pero hindi ako natinag.
Dalawang linggo na kami sa patag at isang linggo pa lang ako sa paaralan ng mapatunayan kong totoo ang mga sinabi ni Itong.
Hindi lang isang beses kong naranasang laitin, apihin at pandirihan, hindi dahil sa may ginawa akong masama kundi, dahil sa isa akong ita.
Gusto ko ng umuwi sa amin, doon sa bundok, doon sa aking tunay na tahanan sa bundok, doon kung saan walang nanlalait at nang-aaway sa akin. Naalala ko tuloy sina Itong, Nonong, Bokbok, Lotlot at Neneng. Siguro, sa oras na ito ay masaya silang naglalaro, nagtatakbuhan at nagtatawanan.
Pero naisip kong hindi dapat ako sumuko. Lalaban ako, hindi ko dapat isuko ang aking nasimulang pakikipaglaban laban sa maling pananaw ng mga tao sa mga katulad ko. Ang aking laban ay inaari kong hindi lang akin, kundi laban ko at ng lahat ng mga itang katulad ko. Kung susuko ako‘y, para ko na ring isinuko ang aking buhay at pagkatao laban sa mapanuring mata at mapang-husgang tao ditto sa patag.
“Naintindihan nyo ba ang ating aralin ngayon? May mga katanungan ba kayo o mga gustong idagdag?
Nagtaas ako ng kamay at tumayo. Kasabay ng muling pagbaling ng mga mapanghusgang mata ng aking mga kaklase ay nagsalita ako.
“Naintindihan ko po ang ating aralin mam. Ang hindi ko lang po maintindihan ay kung bakit marami pa rin at meron pa ring mga kababayan natin ang hindi makaintindi na lahat tayo ay mga Pilipino, magkakapantay anuman ang kulay at hitsura. Sa paningin ng Diyos, walang mataas o mababa sa atin, nilikha tayong kawangis Niya. Nakalulungkot po talaga ang pangyayaring ito.”
“Totoo pong isa akong ita. Maitim ang balat, kulot ang buhok, sarat ang ilong at pandak. Hindi ko po ito ikinahihiya kahit marami ang natatawa at nanlalait sa akin at sa mga katulad ko. Bakit? Dahil alam ko at naniniwala na mas dapat mahiya ang mga taong ito, na sila ang dapat pagtawanan dahil hindi sila makaunawa at ang mas masaklap, ayaw nilang umunawa.”
Ang mga matang nag-uusig kanina ay naramdaman ko na lamang na tumitig pababa, ang mga nahihinang tawanan ay bigla na lang naglaho.
Kanina, kung ang pakiramdam ko ay parang isang kandilang unti-unting nauupos, ngayon, hindi na. Pakiramdam ko ngayo’y para akong kandilang nasindihan at ngayoy buong ningning na nagliliwanag.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento